by: Kyzha
Pataas ng pataas ang bilihin sa merkado
Mga sangkap sa araw – araw na panglasa tila di na abot kaya
Limang pirasong pandesal sa umaga katambal ang umuusok pa na kape
softdrinks na nagyeyelo para maibsan ang mainit na maghapong trabaho sa konstraksiyon
piniritong galunggong at sabaw na gulay ang nakahain sa lamesa sa pananghalian
Nakikipagtawaran pa sa mga tindera sa palengke sa ilang piraso ng repolyo, karot at patatas.
Ito ang pinagkakasyang limang daang piso para sa limang ka-tao sa isang mag-anak
Sa ilalim ng sistema ng mga burgis palaging talo ang mga pangkaraniwang sektor ng konsyumer sa lipunan
Suhestiyon ang mabisang alternatibo para sa butas-bulsang problema
Sa kabilang dako, hindi pa rin naman mauubos ang sandamakmak na putaheng tiyak na bubusugin tayo sa murang halaga. Mga pagkain na matatagpuan sa mga kalye, eskenita, plaza, na kalaunan ay naging parte na ng ating kaugalian bilang mga Pilipino. At kung ako ang tatanungin, may paborito akong kainin na sakto sa panlasa maging sa anumang klima.
pagpatak ng alas kuwatro ng hapon sa may kanto ng maharlika, dalawang kilometro ang layo mula sa mataas na paaralan ng St. Edward, ang aking unang destinasyon para sa malinamnam na hapon. Naghahanap ang aking panlasa ng pagkaing swak lamang sa badyet na nasa aking bulsa. Mula sa malayo ay tanaw ko na ang nagpipilahang mga mata na natatakam sa pagkaing kinatatakaman ko rin. Sa makipot na kalye sa likod ng 7/11 ay ang binabalik balikang lugaw ni Aling Torya. Isa ako sa matiyagang pumipila sa lilim ng bubong sa makipot na kalye. Gaya ng mga nakapila ay hinahanap-hanap ko rin ang isang hawong ng mainit na lugaw na may katamtamang sabaw, mga hibla ng lamang baboy, at ilang hiwa ng tokwa. Pagkatapos ay titimplahan mo ng kalamansi, patis at toyo na sasapat sa panlasa mo. Ayun! Nakahain na ang 35 pesos na lugaw para busugin ka. Ang bawat hagod sa kalamnan ay nagpapahiwatig sa lasap ng kaginhawaan ng buhay
sa kahit pa ano pa mang sa kalbaryo na pasan-pasan sa bawat araw.
0 comments