Bola't Bagong Taon

By TINTA HUMSS 12 - January 08, 2019


by: Angelo

Bawat isang taong naninirahan dito sa ating mundong ginagalawan ay mayroong bagay, tao, o pangyayaring inaasam niyang mapunta sa kanyang mga palad. Lahat tayo ay mayroong pangarap. Maaaring ito ay isang propesyon sa akademiya gaya ng pagiging doktor at guro. Maaari ring isa itong pakiramdam gaya ng pagiging masaya sa buhay at sa pamilya. Ang ating mga pangarap ay nasa iba’t ibang sukat, kulay, at aspeto. Ngunit sa loob ng taong 2018, lalo lamang nagging malinaw sa akin na ang aking natatanging pangarap ay ang maging isang tanyag na manlalaro ng basketball. Gaya nila James Yap, Arwind Santos, at Terrence Romeo, nais ko ring makilala ang pangalan ko sa buong bansa sa larangan ng basketball, ngunit ang pangarap na ito ay hindi lang basta-basta babagsak sa aking palad, kaya naman sa bawat araw na binibigay sa akin ng Diyos, lalo na sa panibagong taong ipinagkaloob sa akin, tinatanaw ko ito bilang isang panibagong pagkakataon upang maging mas bihasa at mapalapit sa aking pangarap. Araw-araw, sinisikap kong makapag ensayo at hanggat maaari, hindi ko binabakante ang aking katawan. Madalas akong nasa basketball court at sa fitness gym. Maging ang mga libreng oras ko ay tinutuon ko para sa basketball; pinanonood ko kung paano ang galaw ng mga iniidolo kong player tuwing may laro o ensayo upang akin ding maisagawa. 
Bilang isang patunay sa mga aking sinabi dahil ako ay isang manlalaro ng team na aking nabanggit, ang bawat sitwasyon na aming napagdaanan ay masasabing talagang hindi makakalimutang pangyayari na napagdaanan ng aming team sa mga panahong iyon. May mga magagandang karanasan na hindi malilimutan, at meron din naming mga di inaasahan na mag papahirap at mag bibigay ng hinanakit sa amingteam. Tulad na lamang noong sinubok kami ng panahon na halos aking mga ka-team ay may masamang karamdaman at nakaranas ng mga hindi inaasahang pangyayari. Ilan ito sa mga humamon sa amin na kailangang mag-adjust kahit hindi namin ninanais, sa mismong araw pa ng nalalapit naming laban, kaya’t ganun na lamang ang aming paghahanda sa mga nalalapit na laban. At sa kasamaang palad ay hindi namin nauwi ang kampyunato para sa aming paaralan, at iyon ang pinakamahirap na napagdaanan naming team. Sa kabilang palad, kami ay hindi tumitigil hanggang ngayon para maiuwi ulit ang kampyunato sa aming institusyon, lalo na ako; kahit kailan at gaano kahirap, hindi ako nawalan ng pag-asa at pinanghinaan ng loob.
Noong Christmas break, walang naganap na ensayo para sa aming mga atleta kaya naman tinuon ako ang aking pansin at tiyaga para pagbutihin lalo ang aking sarili. Bago dumating ang araw ng Pasko at Bagong Taon, ako ay palaging nasa gym o 'di kaya sa basketball court, ngunit siyempre, sa dalawang mahahalagang araw na ito, ang aking kapiling ay hindi bola, kundi ang aking pamilya at ang babaeng mahalaga sa akin. Sila rin ang isa sa mga pinakadahilan kung bakit ko pinupursigi ang pangarap na ito. Para sa akin, at sa kanila. Sa taong 2018, natutunan kong maigi kung paano ko maibabalase ang oras ko para saaking mga minamahal, sa pag-aaral, at sa basketball. Laking tuwa ko, sa gabay ng Panginoon at ng mga problema't pagsubok na dala ng taong lumipas, ako ay mas naging bihasa sa aking talento.  
Ang daan patungo sa pangarap kong ito ay hindi madali; ang pagod, mga sakripisyo, at dedikasyon. Maraming mga pagkatalo. Maraming mga pangit na laro. Maraming mga oras na hindi nagamit sa pagtulog at paggawa ng mga takdang aralin. Maraming mga pagkakataong nais na lang ng katawan kong sumuko, ngunit andito pa rin ako, lumalaban, nagsisikap, at nananatiling matatag para sa aking pangarap. Sa bawat patak ng pawis, sa bawat pagdaloy ng dugo, sa bawat kumpas ng kamay at padyak ng paa, at sa bawat pagtalbog ng bola, mas napapalapit ako sa mithiing ito, at hinding hindi ako mapapagod hanggang sa makilala ang pangalang Angelo Roxas sa buong mundo. Salamat sa mga pagkakataong ako ay nakahawak ng bola; salamat sa lahat ng iyong itinuro, 2018.

  • Share:

You Might Also Like

0 comments