by: Genesis
Ilang upuan na lamang ang hindi pa nauukupa. Pasado alas tres na rin ng hapon at walang dag-im sa alapaap. Tanging iba't ibang mukha lamang ang nasagi ng aking paningin. Tinunton ko ang pinakadulong upuan sa bandang kaliwa. Tahimik. Pagod ang paligid sa maghapong pakikipaglaro sa oras. Dito ko natutunan ang halaga ng bawat nalalabing oras.
May oras para mangarap. May oras para maghamon ng away sa emosyong bitbit ng dibdib. May oras para sariwain ang lahat ng kayang alalahanin ng isip at tanggapin ng puso. Nakaupo lang ako roon. Naghihintay kung kailan aandar ang apat na gulong ng bus para maihatid sa kani-kanilang lungga ang mga inip na pasahero.
Nasampal ako ng ingay mula sa harapan. Aalis na ang bus. Ang kaninang blangkong paligid ay masikip na. Sitting pretty pa rin ako sa aking kinauupuan. Masarap namnamin ang bente minuto na pananatili sa loob ng bus. At mayroon akong tiyak na natutunan. Na lahat ng bagay, kasabay ng dapit-hapon ay magwawakas din.
"Oh! KS-16 na!" sigaw ng drayber.
Bumaba ako at napasabing lahat ng kalsada ay daan pabalik ng bahay.
0 comments