Edukasyon, siyam na letra pero puno ng problema. Napag-iiwanan na ang Pilipinas pagdating sa usapin sa edukasyon, bukod tangi na ang ating bansa ang nahuhuli sa larangan ng edukasyon. Ito ay lumang isyu na ngunit hanggang ngayon ay patuloy na nauungkat dahil walang solusyon na maisip ang ating pamahalaan, ang tanong sinusulusyunan ba nila o dedma lang dahil mas piangtutuunan nila ng pansin ang ibang bagay.
Dahil sa kalidad ng edukasyon sa Pilipinas patuloy ang pag-alis ng karamihan sa mga guro upang humanap ng trabaho sa ibang bansa. Mga guro na dapat ay silang nagtuturo sa mga mag-aaral dito sa atin, ngunit masisisi ba natin sila kung ang tanging gusto lang nila ay maibalik ang importansya na dapat ay nakukuha nila dito sa sarili nilang bansa? Gustuhin man nila o hindi wala silang magagawa sapagkat ang tanging nais nila ay makakuha ng tamang sahod na angkop sa kanilang natapos.
Ang kakulangan sa sahod ang isa sa mga dahilan kung bakit sila umaalis at naghahanap ng oportunidad sa karatig bansa. Dahil dito patuloy ang krisis ng bawat paaralan. Isa pang dahilan kung bakit mababa ang kalidad ng edukasyon dito sa Pilipinas ay ang kakulangan sa mga kagamitan sa silid aralan, kakulangan sa silya, lamesa, libro at mga gamit na dapat ay tinatamasa ng bawat mag-aaral. Paano matatawag na Paaralan kung walang silid-aralan? Maraming katanungan ngunit walang kasagutan.
Nakakalungkot isipin na hindi pinagtutuunan ng pansin ng pamahaaln ang ganitong klase ng problema na sa halip na iangat ito ay patuloy lang na bumababa. Nasaan ang pondo na dapat ay nilalaan sa edukasyon? Saan nga ba ito napupunta? Sa mga paaralan nga ba o sa malaki nilang bulsa? Kayo na ang humusga.
0 comments