by: Migelle
Makatao. Maka-diyos. Makakalikasan. Makabansa. Tunay na ligaya ang masabihang isa kang Pilipino, ngunit paano ba maging isang Pilipino? Ako ay nasa inyong harapan upang talakayin ang dapat gawin upang maging isang Pilipino.
Una sa lahat, magkaroon ng katangi-tanging talento. Maging mahusay sa lahat ng larangan. Ito man ay nasa arte o mga isports, kailangan mong maging mahusay. Kung hindi mo taglay ang mga ito, maaring sa iyong utak manggaling ang kagalingan. Kung ika'y hindi nabibilang sa mga iyan, dapat mo ng itanong sa iyong sarili kung tunay ka nga bang isang Pilipino. Mahusay at magaling, iyan ang tatak ng Pilipino.
Pangalawa, maging masayahin. Isang ugali ng mga Pilipino ang pagiging masayahin. Kahit na ika'y isang biktima ng kawalang-pakialam ng sarili mong gobyerno, ito ay ngitian mo lang. Kahit ikaw ay niloloko at binubuwisan ng napakalaki, itawa mo lamang. Kung dumaan ang bagyo at kulang ang mga pasilidad na binibigay ng inyong munisipyo o siyudad, ingiti mo lamang. Iyan ang tunay na Pilipino.
Pangatlo, maging maaruga o sinasabi nilang hospitable. Lahat ng tao dapat ay matatanggap mo ito ng buong buo. Kahit dayuhan man yang sumasalakay sa sarili nating lupa, kailangan natin itong batiin. Ipakita natin ang Filipino Hospitality na isang taglay ng Pilipinas. Kahit na tayo ay nalulugi at nananakawan ng sarili nating mga likas na yaman, kailangang ipakita ang ating kabaitan. Iyan ang tatak ng Pilipino.
Panghuli, maging kayumanggi. Ang balat na ito ang nagtataglay ng ating katanginang Pilipino. Ang mga puti ay hindi kasama rito maliban lamang sa larangan ng showbiz o kagandahan. Ang mga eurocentric na katangiang ito ang isang representasyon ng isang Pilipino ngunit kailangang mahalin pa rin ang kayumanggi nating balat. Kayumanggi ang tatak ng isang Pilipino, maliban sa pamantayan ng kagandahan.
Ito ang mga dapat gawin upang maging Pilipino. Ito ang dapat gawin upang mapansin ni Inang bayan. Sang-ayon ba kayo? Ito ba ang tunay na nagrerepresenta sa ating lahat? Tanungin niyo ang inyong mga sarili kung ano ang inyong nararamdaman sa pamantayang aking isinabi. Marahil sa inyo ay may sumangayon at mayroon din namang hindi. Buong puso akong umaasa na lahat kayo ay hindi sumangayon sa aking sinabi. Ang pamantayang ito ay ang dinidikta ng marami sa atin. Ito ang dinidikta ng ika nila ay kultura ng Pilipinas. Maging masiyahin, maaruga, mahusay, maganda, at maka-diyos. Ang mga katangiang ito ay hindi likas na masama. Ito lamang ay nagiging masama kung ito ay naipapakita natin sa mapang-abusong paraan.
Ang isang tunay na Pilipino ay kailan man hindi masusukat sa iisang pamantayan. Komplikadong usapan ang alamin kung paano nga ba talaga magiging Pilipino ang isang tao ngunit alam ko na may isang basehan na nararapat laging pagtuunan ng mga Pilipino. Ang pagmamahal sa Pilipinas ay dapat taglayin ng lahat na gusto maging Pilipino. Sa ganitong paraan, tunay na busilak at puro ang kanyang pagka-Pilipino. Hindi dapat itinatanong kung paano maging Pilipino ngunit kailangang tanungin kung paano magmahal ng bayan ang isang Pilipino.
0 comments